Case Unclosed kara david

Case Unclosed Pilot Episode: “Alaala ng Ozone”

Sinasabing ang mga Pilipino ay makakalimuting mga tao. Sa dami ng dumarating na krisis, iskandalo at problema, hindi na natin naalala ang mga isyung dapat nating hinaharap bilang isang bansa. Sa bawat palit ng headline sa diyaryo at telebisyon, natatabunan din ang mga mahahalagang istoryang dapat nating pinagtutuunan ng atensyon, at naiiwan na lang ang mga tanong, at naghihintay ng kasagutan.

Ano na nga ba nangyari sa mga isyung gumulantang noon sa ating bayan?

May naparusahan ba sa Ozone Tragedy? Rub-out ba o shoot-out ang kaso ng Kuratong Baleleng? Ano ba talaga ang nangyari kay Jonas Burgos? Sino ang talagang bumaril kay Ninoy?

Ngayong Oktubre, isang painbagong programa ang ihahandog ng GMA Public Affairs na muling magbabalik sa atin ng mga mahahalagang isyu at iskandalong kinaharap ng ating bayan at susubok na sagutin ang mga tanong na naiwan sa ating nakaraan: ang Case Unclosed.

Isasabuhay ng Case Unclosed ang mga mahahalagang pangyayari ng bawat isyung tatalakayin sa pagsasama ng istilo ng docudrama at aktuwal na video at panayam sa mga taong kakabit ng istorya. Sa direksyon ng mga premyadong independent film directors, uungkatin ng Case Unclosed ang mga kuwentong umukit sa ating kasaysayan, mula sa mga trahedya at mga karumal-dumal na krimen hanggang sa mga pulitikal na isyung gumulantang sa madla.

Sa linya ng mga batikang reporters ng GMA News and Public Affairs Department, isang boses ang magkukuwento ng mga tatalakaying istorya ng Case Unclosed: ang multi-awarded journalist na si Kara David, na kamakailan lang ay ginawaran ng prestihiyosong Ten Outstanding Young Men of the Philippines at Broadcast Journalist of the Year ng Rotary Club of Manila.

Sa unang pagtatanghal ng Case Unclosed ngayong Oktubre 2, babalikan ni Kara David ang trahedya sa Ozone, kung saan 161 katao, na karamihan ay mga graduating students, ang binawian ng buhay dahil sa sunog sa Ozone Disco noong Marso 18, 1996.

Matapos ang labindalawang taon mula nang mangyari ang sunog, may mga bangkay pa rin daw na hanggang ngayo’y hindi pa nakikilala, at ang mga sangkot sa kaso, hindi raw nakulong. Ano nga ba ang nangyari sa kaso? Kumusta na ang mga biktima at pamilya ng mga namatay sa Ozone?

Sa direksyon ng award-winning independent film director na si Adol Alix Jr., muling ipapakita ni Kara David sa Case Unclosed ang kuwento ng Ozone tragedy, at susubuking bigyang linaw ang mga nabiting katanungan sa trahedya.

 

Yamashita’s treasure

Mahigit limang dekada na ang lumipas, pero hanggang ngayon, buhay pa rin ang kuwento ng Yamashita Treasure. May katotohanan ba o kathang-isip lang ang gintong ibinaon diumano ng mga Hapon bago matapos ang World War II? Ngayong Huwebes, muling balikan ang mga tanong ng nakaraan sa pagbubukas ni Kara David sa kaso ng Yamashita Treasure sa Case Unclosed.

Kung may pruweba na totoo ang Yamashita Treasure, nahanap daw ni Roger Roxas ang ilang bahagi nito sa Baguio noong 1971. Isang Golden Buddha, ilang piraso ng gold bars at diyamante ang kanyang natagpuan, pero ang yamang nadiskubre rin niya ang maghahatid ng kamalasan sa kanyang buhay. Ilang makapangyarihang tao ang gustong mangamkam nito… pati diumano ang dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nagsampa ng kaso si Roger Roxas sa Hawaii laban sa dating Pangulong Marcos. Pinagbabayad ng korte ang pamilya Marcos ng milyon-milyong dolyar dahil sa Golden Buddha, pero ni isang kusing daw, wala pang sumasayad sa kamay ng pamilya ni Roger Roxas.

Ano na ang nangyari sa Golden Buddha ngayon? Ginto nga ba o natanso lang si Roger Roxas sa kayamanang kanyang nadiskubre?

Naniniwala ang treasure hunter na si Pastor Yosores na mahahanap niya ang mailap na Yamashita treasure sa probinsya ng Cebu, at umaasa siyang makukuha niya ang gintong iniwan ng Japanese general dito. Pero sino nga ba si Gen. Yamashita? Kilalanin ang tinaguriang “Tiger of Malaya” at alamin kung bakit siya ang tinuturong nagtago ng ginto sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Alamat lang ba o may katotohanan ang Yamashita Treasure? Sa direksyon ni independent filmmaker Tara Illenberger, tatalakayin ni Kara David ang “Case Unclosed: Yaman ni Yamashita” ngayong Huwebes ng hatinggabi, pagkatapos ng Saksi

“The Chiong murder case”

Labing isang taon na ang nakararaan… pero ang bakas ng sinapit na karahasan ng magkapatid na Marijoy at Jacquiline Chiong… hindi pa rin nakakalimutan. Ngayong Huwebes sa Case Unclosed, muli nating balikan ang mga tanong ng nakaraan sa tinaguriang “Trial of the Century sa Cebu.”

Gabi ng July 16, 1997… pauwi sa Marijoy at Jacquiline Chiong nang sapilitan silang isinakay ng pitong kalalakihan at diumano’y ginahasa at pinaslang. Si Mariioy, inihulog sa bangin matapos ang krimen, habang si Jacquiline, hindi pa rin natatagpuan ang katawan hanggang ngayon.

Galing sa mga prominenteng pamilya sa Cebu ang mga itinurong salarin: sina Paco Osmena Larranaga, Josman Aznar at ang magkapatid na James Andrew at James Anthony Uy. Kasama rin sina Rowen Adlawan, Alberto Cano at Ariel Balansag.

Habang buhay na pagkakulong ang ipinataw ng korte sa pitong akusado noong taong 1999. Pero sa kabila ng desisyon, maraming tanong ang patuloy na umaalingawngaw hanggang ngayon. Ang mga akusado nga ba ang totoong salarin? Bakit maraming ebidensiya ang hindi binigyan pansin ng korte? May kakulangan nga ba sa paggamit ng forensic evidence para maisiwalat ang katotohanan?

Ngayong Huwebes, sa direksyon ng award-winning indie filmmaker Milo Tolentino, muling babalikan ni Kara David ang kaso ng Chiong Sisters Murder sa Case Unclosed, pagkatapos ng Saksi.

 

Chapman double murder case

July 13, 1991… ito ang gabing bumago sa buhay ng pamilya Hultman at Chapman. Ang kasiyahan ng magkakaibigan… nauwi sa karahasan. Napaslang ni Claudio Teehankee Jr, anak ng dating Supreme Court Justice Claudio Teehankee Sr., sina Maureen Hultman at Roland John Chapman at malubhang nasugatan si Jussi Leino matapos niyang barilin ang mga ito sa Dasmariñas Village. Ngayong Huwebes sa Case Unclosed, samahan si Kara David balikan ang kontrrobersyal na kuwento ng Hultman-Chapman Double Murder Case.

Muling pakinggan ang salaysay ng mga imbestigador, abogado at saksi kung ano ang nangyari ng gabing barilin ni Teehankee ang magkakaibigang Maureen, Roland John at Jussi habang pauwi sa eksklusibong village sa Makati. Nahatulan ng guilty si Teehankee noong Dec. 22, 1992 at binigyan ng parusang reclusion perpetua, o habang buhay na pagkakakulong.

Pero matapos ang labingpitong taon sa kulungan, binigyan ng Executive Clemency ni Pangulong Gloria Macpagal-Arroyo si Teehankee nitong Oktubre 2, 2008. Naging kontrobersyal ang pardon ni Teehanke, at ayon sa pamilya Hultman, hindi nasunod ang ilang proseso sa pagpapalaya kay Claudio. Nararapat nga ba ang pagbibigay ng pardon sa kaso ni Teehankee?

Sa direksyon ni Raya Martin, balikan ang mga tanong ng nakaraan kasama si Kara David sa Case Unclosed, ngayong Huwebes pagkatapos ng Saksi.

 Lihim ng 1897

 

 Ito ang tinaguriang “greatest unsolved mystery” ng ating kasaysayan… ang pagkakapaslang sa Supremo ng Katipunan… si Andres Bonifacio. Bakit nga ba siya pinatay ng sarili niyang mga tauhan sa KKK? Ano ang naging papel ni Gen. Emilio Aguinaldo sa pangyayaring ito? Ngayong Huwebes ng hatinggabi, muling balikan ang mga tanong sa ating kasaysayan sa Case Unclosed.

May 10, 1897 nang wakasan ng isang pagtataksil ang buhay ng Ama ng Katipunan. Sa isang military court trial na binuo ni Gen. Emilio Aguinaldo, pinagbintangan si Andres Bonifacio na nagtaksil sa kilusan at nagbalak umanong ipapatay si Gen. Emilio Aguinaldo. Ang naging hatol ng korte: kamatayan para sa Supremo at para sa kanyang nakakabatang kapatid na si Procopio Bonifacio.

Paanong humantong sa kamatayan ang pagkakaibigan ni Aguinaldo at Bonifacio? Pakinggan ang mga saloobin ng mga mananaliksik at pamilya nina Bonifacio at Aguinaldo at alamin kung ano nga ba ang katotohanan sa pagkakapatay kay Bonifacio noong 1897.

Sa direksyon ni indie filmmaker Paul Morales, samahan si Kara David balikan ang mga tanong ng nakaraan sa Case Unclosed, pagkatapos ng Saksi: Liga ng Katotohanan.

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: